Tuesday, September 25, 2007

Extra-Curricular Activities

Nung high school ako, nag-aaral akong mabuti, kasi wala naman ibang pwedeng gawin. At sa school namin, kung gusto mong maging honor roll, kailangan mo ng extra-curricular activities.

Kapag sali ka ng sali, makakarami ka ng extra-curricular activities, tapos isasama yun sa computation ng grade mo. Actually, ikaw ang dapat maglista ng mga sinalihan mo. Kaya nga every grading period noon, magpapass kami ng listahan na ganito ang itsura:





-----------------------------
*Blink* P. Taba*Blink*Blink*
Extra-Curricular Activities
1. Joined Physics Club.
2. Joined Physics Quiz Bee
3. Participated in Statistics Quiz Bee in Burgos
4. Joined Nutri-Jingle
5. Ran for SSC Senator
6. Led Pambansang Awit Theme Song Last Monday
----------------------------------------------------

Clubs

Shet, member ako noon ng:

Physics Club
English Club
Math Club
Filipino Club
Drum and Lyre Corps
YCC
Supreme Student Council
United Jologs

Nagkaroon pa nga ng bagong club, ang "Dream Team", at buti na lang hindi ako kasali. (Bangungot Team?)

Kada isang club may officers. Elect dito elect doon.





"I nominate Ederlyn Ederloo for Muse."
"I move to close the nomination."
"I second the motion."
*blush*"Hala bakit ako?" *blush*
"Ay sandali, Muse ka na History Club. Ulitin!"

Meeting meeting. Contribution ng funds. At kada isa nyan may "Day". "Physics Day", "Math Day", "Linggo ng Wika Day". Required ang lahat na magparticipate. May mga quiz bee (na kung saan ibinibigay ng adviser nyo ang mga ipapaquiz bee kinabukasan para manalo kayo). Tapos may raffle draw. Pipilitin kayong ibenta ang pagkadami-daming tickets. At ano ang grand prize? Trip to Hawaii. Needless to say, joke. Discman yata ang grand prize. O gas stove? Di ko sure.

Lahat ng pagsali mo jan may equivalent points sa extra-curricular activities. Pag wala ka ni isang sinalihan parang tinatanggap na ng lipunan na wala kang pakialam at gusto mo nang mamatay. Hindi pa ako suicidal that time.

At ang pinakamasarap isipin ay wala ni isa sa mga clubs na iyon ang may naitulong sa school, sa student body, o sa mga sarili nila.

Seminars

Ang pinakamatinik sa mga extra-curricular activities yung may out-of-town seminars (o kung ano man ang tawag dun, convention, meeting, salo-salo, pot session). Mataas ang points mo kapag sumali ka.

Seminar # 2

One day nagpunta ang kapitbahay naming si Krissa sa bahay, nagyayaya. Bakasyon noon pero wala syang pakialam, sali daw kami sa "Sama-Aralan ng Sining Pangkalikasan". Gaganapin daw sa UP MSI Guiguiwanen. Ayokong sumama. May libreng miryenda. Bihis ako agad.

Pagdating doon, kami lang dalawa ang bata. Lahat mga young s na. Kaya hindi ko sineryoso. Andun ako para sa food. Si Krissa ang seryosong mapag-aralan ang Sining Pangkalikasan.

Maraming activities. Mga parlor games. Mga contest contest. At may mga team building blah-blah.

May isang activity na tandang-tanda ko pa. Hanap ka ng partner. No choice, katabi ko si Krissa. Tatayo ang partner mo sa likod mo. Nagpunta sya sa likod ko. Magpapatumba ka patalikod at sasaluhin ka ng partner mo. Nagpatumba ako at sinalo nya ako.

Change places. Ako naman ang nasa likod ni Krissa. Ayan na magpapatumba na sya. Ayan na, ayan na. Sasaluhin ko ba sya? Try ko lang kung anong mangyayari kung hindi. Umatras ako ng isang hakbang. Hindi ko sya nasalo. Humampas ang ulo nya sa tuhod ko. Tinginan ang ibang mgakakapartner, tawanan. Galit na galit ang facilitator.

Tapos na ang activity nang iannounce nya na ang goal pala nun ay para mapagtibay ang tiwala sa inyong magpartner. Ah, ganun pala yun, tiwala. Paano ba yan, napagtibay lang ang paniniwala niyang yo ako.

Kainan na. Nasa unahan kami ng pila.

Next activity. Group ito, kaya nag bilangan, 1-5. Lahat ng parehong 1, pagsasamahin. 1-2-3-4-5. 1-2-3-4-5. 1-2-3-4-5. Hindi nakikinig si Krissa. Nung sya na ang bibilang, kinalabit ko sya, sabi ko





"Hoy ikaw na."


Nataranta sya.



"Six", sabi nya.


Magdrodrowing ang grupo ng kung ano ano about kalikasan sa isang manila paper. Binigyan kami ng pentel pens. Tapos may white board. Yung isang kagrupo ko, nagpunta sa whiteboard at sinulat ang pangalan ko. Hindi pala water-based ang pentel pen. Hindi mabura. Nang uwian na, ako ang pinagbintangan, ako ang pina-erase.

Next day. Balik na naman kami. Exciting ito.

Naglalakad kami papunta sa may building ng UP MSI. May dumaang tricycle. Nakabackride yung isang baklang kasali rin sa seminar. Kumaway si Krissa sa kanya. Inisnob nya si Krissa. Dumaan sa lubak ang tricycle. Nahulog ang bakla sa lubak. Nauntog sa bato. Pumutok ang noo. Bumalik ang tricycle sa town para dalhin sya sa clinic. Ang bilis ng karma. Next namin syan g nakita, kasali na sya sa Miss .

Miryenda na naman. Nasa unahan kami ulit. Nakakahalata na ang ibang mga participants.

Kinabukasan. Papunta pa lang si Krissa sa UP MSI at naglalakad-lakad sya sa shore (tabing dagat kasi yun). Pagdaan nya sa puno ng balete, may umungol. Pagtingala nya, may nagsesex sa taas ng puno.

Bilangan na naman. 1-2-3-4-5-6-7-8-9-10. "Eleven" sabi na naman ni Krissa. Hindi sya mahilig makinig, ang pinupuna nya kasi ang mga suot ng mga participants, at ang mga buhay-buhay nila:

"Sabi ni Melfe may anak na yan sa barrio nila."
"Ang baduy ng buhok nun."
"Shit, FunChum na naman."


Last day na iyon ng "Sama-Aralan sa Sining Pangkalikasan". Pagkatapos ng seminar, binigyan kami ng mga Certificate of Participation. Binigay ko sa nanay ko bilang proof na may seminar talaga, akala nya kasi naglalaro lang kami ng trumpo. Makalipas ang isang buwan, napatingin ako sa dingding. Ang certificate, nakalaminate.

Seminar # 2

Hindi pa rin nagpapigil si Krissa sa pagsali sa mga seminar. Next naman, YCC. Sa Damortis, La Union. Field Trip, wow.

Papunta pa lang nagsuka na ang lahat sa bus.

At hindi enjoy. Parang pinagsama-sama ang mga baduy sa lahat ng parte ng Pangasinan at karatig-bayan para iexecute. May mga babae pang halatang galing sa barrio, nakasuot ng, uhm, paano ba idedescribe uyn? Yung suot ng abay sa kasal. Puro lace na gown, kulay mint green. Tapos naka-black na school shoes. Tapos nakamake-up ang mukha, puting puti at rosy cheeks. Tapos ang leeg pababa, itim na. Abalang-abala kami ni Krissa sa panglalait.

Mga hayop na coordinator ng YCC, pinalusong kami sa putikan habang umuulan upang mapalapit sa Mother Nature, pinagdrowing sa sahig, pinakanta ng jingle na pabaduyan, at pinakain ng katiting (nasa unahan pa rin kami ng pila). Yung finale, pinakanta kami ng "If We Hold on Together", na kapag naaalala ko ngayon eh napapatingin ako sa kisame, naghahanap ng mapagsasabitan ng lubid.

Nang mag-uuwian na, sa kuwarto namin, may nakakalat na brief sa sahig. Hindi akin yun I swear. Nagkaturuan kung kanino ang mahiwagang underwear. Walang umamin. Iniwan na lang sya sa sahig. Kawawang brief, ipinagkanulo ng may-ari.

Seminar # 3

Nung hindi pa nakuntento ang mga hayop na teachers namineh minsang nasa kalagitnaan kami ng klase eh bigla kaming pinatawag sa principal's office. Kabado ako noon, kasi ang mga pinapatawag sa office yung mga may kasalanan. Tsaka pumapasok lang ako sa office na yun kapag magppapirma ng clearance (kung tinatamad ako magforge). Hindi pala kami pagagalitan, ipadadala lang daw kami sa isang seminar about recycling kasi walang ibang pupunta. Hindi ko alam kung magiging proud ba ako na naisama ako o maaawa ako sa sarili ko kasi parang wala silang ibang choice.

Pagdating ko sa seminar, dun ko nasagot ang tanong: maaawa ako sa sarili ko. Pinadala kami sa Luciente II (barriotic) habang umuulan. Sinakay pa kami sa kuliglig(?) or jeep(?) di ko na sure. Ang alalang-alala ko eh kung tungkol saan ang topic sa seminar. Pagererecycle nga. Ng tae.

Yep! Tae ng hayop. Baka, aso, pusa, kahit anong may tae. Tinuruan kami kung paano gagawin iyong fertilizer.

At habang itinuturo ng lecturer (isang magsasaka) sa loob ng kanyang bahay na walang sahig (lupa na agad) ay syempre hindi nya nakalimutng pagmiryendahin kami.

Pinakain nya kami ng masikoy. Sa mga hindi nakakaalam (idiots) kung ano ang masikoy, ito yung bilo-bilo na niluto tapos sinahog sa sabaw na punong-puno ng linga. Masarap sya. Pero ang sabaw kulay itim at malapot, at ang bilo-bilo, pahirapan sa paglunok.


Habang kumakain kami ng masikoy, patuloy ang lecture.

"Humukay kayo ng hukay, ganito kalalim. Tapos ilalagay nyo na ang mga 'layers' ng organic materials na magiging fertilizer. Unang layer, tae. Tapos tapalan nyo ng layer ng tuyong dahon, tapos lupa, tapos tae na naman. Tapos dahon, tapos lupa, tapos tae...tae...tae...tae...tae..."


Isisiksik mo sa utak mo ang mga layers ng tae habang kumakain ka ng masikoy, which is, not to mention, mukhang tae. Lahat kaming mga umattend, masama ang sikmura pag-uwi.

Seminar # 4

Minsan pinasali kami sa isang talent workshop(?). Lahat ng kaya mong talent ipakita mo na, pero acting lang ang tinatanggap nila. Mostly nanonood lang ako, dahil wala akong talent. Ang binibigay nila sa akin na roles noon eh 'Friend # 3' or 'Passerby'. At ikinatutuwa ko naman dahil nangdidiri ako sa play, sa mga tao, at sa buong workshop. Dahil sa isang malagim na laro...na hindi ko alam kung ano ang tawag.

Here's how:

Hatiin ang buong group into 2 teams. Bawat team, may iaaassign na isang "special member." Yung mga ibang member, bubuo ng barricade, kapit kamay. So bale yung dalawang teams, may barricade na, at may special members. Ang goal ng eh magsalpukan sa gitna ang dalawang barricades, at dapat makalusot sa barricade ang special member. Ang unang makalusot panalo.

Start na ng ! Magsasalpukan na. Kapit-kamay na tumatakbo sa gitna. Masaya na sana eh. Hanggang sa mapansin ko ang isang laking pagkakamali:

May tae ng baka sa gitna ng dalawang magsasalpukang barricade.

Madali na lang agine kung ano ang nangyari sa tae ng baka. Kung before the eh tahimik at buo pa syang nasa damuhan, after the eh pira-piraso na syang nakakapit sa pantalon ng mga players.
Contests


May mga taong makapal ang mukha. May mga tao ring desperado pumasa sa school. Paghaluin mo ang dalawa, at meron ka nang contestant sa................................Jingle.

Sa mga hindi nakakaalam, ang contest ng jingle ay yung gagawa k\ang grupo nyo ng isang kanta na tungkol sa, halimbawa, science. Dapat maganda yung lyrics, tapos dapat masaya ang kanta, at higit sda lahat, dapat makakapal ang mga mukha ninyo.

Si Krissa ang promotor ng pagsali sa mga Jingle. Hindi sya nakuntento na isa lang ang talo namin. Ang gusto nya, sa apat na taon namin sa school, apat na beses din kami matalo. At hindi nga sya nagkamali.

Tuwing may ganitong jingle contest kasali agad ako sa line-up, at si Krissa ang susulat ng lyrics. Ang ipinagtataka ko, magaganda naman ang lyrics namin. Try nyo tong isang jingle namin na to the tune of skater boy intro:

"Dangerous bombs
Like nuclear bombs
These bombers are bombing these kinds of bombs"

Maganda naman diba? Puro bombs. Never talaga kami nanalo.
Meron ding mga play. Ewan ko kung contest yun o palabas lang o gusto lang ng faculty manood ng comedy, pero Drug Symposium noon, at gagawa kami ng skit tungkol sa drugs sa saliw ng tugtuging Bohemian Rhapsody.
Binigyan kami ng roles. Ang role ko, Anghel. May espada pa ako na gawa sa kawayan. Okay na sana. Kaso may mga kalaban kaming Demonyo. May mga espada rin. At ang natapat na makakaespadahan ko, walang iba kundi ang demonyo in real life, si Jing (lalaki).
Pagdating ng song sa rock na part, yung /So you think you can stop me and spit in my eye?/ lalabas kaming mga anghel at demonyo at magesespadahan.
Dapat talaga, kunwari lang yun. Ang kapartner ko, hindi espada ang tinitira. Hinahampas nya yung kamay ko na nakahawak sa espada. Hindi ako makaangal, malakas sya! At nasa gitna kami ng stage, hindi ako pwede mag-time first.
Pagtapos ng play, sugat sugay ang kamay ko, dahil "na-carried away" daw sya.

Drum & Lyre

Nung high school required ang optional na pagsali sa CAT. Si Krissa sumali. Bumabangon sya ng alas kuwatro ng umaga para magpunta sa school at pakainin ng buong itlog na nilaga na walang tubig bilang almusal, at para tanungin ng officer,

"Cali! Anong kulay ng panty mo!"
"Sir! White Sir! With flowers! Sir!"


Hindi nya nakayanan. Or hindi ko nakayanan ang tuwa. Hindi ko sure. Ako kasi, hindi sumali, kasi may alternative, na kapag naalala ko ngayon, eh parang mas mahirap pa:

Drum & Lyre Corps.

Putangina talaga. Here's how:

Kailangan mo ng equipment: ako noon snear/snare/whatever drum, tapos nagevolve sa cymbals. Puro pinaglumaan yun ng mga yumao na. Kailangan mo rin ng uniform, no problem. Kailang mo rin umattend ng practice every Thursday. May formation drill tugtugan whatever lahat lahat. At ang mga baduy na hindi sumali sa CAT or DLC (in other words, PE lang sila) eh nakukuhang manood at magliwaliw at ipamukha sayo na wala silang ginagawa, kahit ang katotohanan ay sila ang tagabunot sa damo sa lupang tinatapakan namin. Elite kami.

Ang masakit, may practice minsan kahit linggo. Ibibilad kami sa araw. Walang sisilong. Walang aabsent. Walang magrereklamo. Walang mahihimatay. Sila ang batas. Kahit alam naman ng bawat isa sa amin na walang kuwenta ang practice dahil walang kuwenta ang aming Corps. Magkakakuwenta ba naman kung ang ugali eh habang may dumadaan na libing, yung pinaparada yung kabaong, eh tutugtog kaming "Mabuhay".

Kapag may prusisyon ang simbahan, pinatutugtog din kami. Paikot-ikot sa aming town, para bagang gusto nilang iemphasize na kung gaano kapangit ang place, at doon na kami mabubulok. Minsan bago kami tumugtog required kaming maki-misa. One time, sa loob ng simbahan, sa gitna ng misa nagsusumigaw ng pagmumura ang classmate kong si Bruhilda. Nataehan pala sya ng ibon. Sa suso nya.

Pero ang the best pagdating sa DLC ay yung mga out-of-town gigs. Iasasakay nila kami sa trak ng baka. Alam mong trak ng baka yun dahil makikita mo ang dumi ng baka sa sahig. Wala ring modo ang nagmamaneho ng trak. Bibilisan, tapos pepreno. Talsikan kami lahat. May nabutas na drum. May nabaling pole. May ulong napasok sa palda ng iba. May nahawakang pwet. Ang pantalon kong puti, naging Cow Brown.

Pagdating sa barriong tutugtugan namin, may naghihintay na pagkain. Siopao (meow?) at Funchum. Minsan lang kami pinakain sa Jollibee. Binawas pa pala yun sa pera namin. After kumain, tugtugan na. Alalang-alala ko pa ang aming playlist:

Pipito si Dyan (majorette), signal na start na.
Mabuhay
Interval ni Kuya Quadruple Drummer
Modelong Charing
Interval ni Kuya Quadruple Drummer
Paper Roses
Interval ni Kuya Quadruple Drummer
Chicken Dance
Interval ni Kuya Quadruple Drummer
Livin' La Vida Loca, na hindi matatapos dahil magkakamali, kaya biglang
Interval ni Kuya Quadruple Drummer

Ako naman habang tumutugtog, nagsisightseeing, klasi sa mga ganitong pagkakataon, ang ieemphasize ng parade eh kung gaano kapangit ang town nila.

One time may parade kami sa aming barangay. Alumni yata? Di ko sure. Eh di start na uli ang drill. Formation na ng banda. Nasa likuran ako, pero kitang-kita ko ang nangyari sa harapan. Si Dyan, ang majorette, nagkamali.

Pipito na sya para magstart na ang tugtog.

"Pfffffffffffffft! Pfffffffffffffft! Pft! Pft! Pft!"


Supot ang pito nya. Nagtawanan ang lahat. Sigaw ng aming DLC adviser:

"Hoy Dyan ang tanga tanga mo!"


Pinangako ko sa sarili ko na pagtungtong ko ng college hindi na ako sasali sa mga bagay na nagdudulot ng kahihiyan. Mali. Lalo pala akong mapapasabak sa kalokohan, ngunit hindi na extra-curricular activities ang tawag ko dito.

It's called everyday life.

No comments: